AKO ANG UNANG TAGAPAGTANGGOL NG HUSTISYA
Isang mainit at mapagpalayang hapon po sa ating lahat!
Tunay na hustisya, kadakilaan ng Kataastaasang Hukuman, at kalayaan ng hudikatura,
tatlo pong prinsipyo na nagbibigay sa akin – sa ating lahat – ng lakas at tapang na harapin ang
hamon at pagsubok na bunga ng masamang pulitika.
HINDI PO TAYO PAPAYAG NA
LAPASTANGANIN AT ALIPUSTAHIN ANG
DEMOKRASYA, AT ANG KORTE SUPREMA!
Sa isang iglap, nasampahan po ako ng isang impeachment complaint ng mababang
kapulungan na kontrolado ng Liberal Party ni Ginoong Aquino at ng kanyang mga kaalyado.
Sa sobrang bilis, parang wala po yatang nakaintindi o nakabasa man lang ng halos
animnapung pahinang reklamo o habla. Isang daan, walumpu’t walong kinatawan ang basta
na lamang lumagda rito para isulong ang aking impeachment. Kinikilala natin ang proseso ng
Saligang Batas para sa mga reklamo laban sa mga miyembro ng Korte Suprema. Ngunit ang
hindi natin kinikilala ay ang pag-abuso ng kapangyarihan at proseso para samantalahin
ang lahat ng paraan, makapagtalaga lamang sila ng sarili nilang mga mahistrado sa Korte
Suprema. Itong impeachment ay dala ng kasakiman na magkaroon ng isang Korte Suprema na
kayang diktahan, na nakukuha sa tingin, at
magkakandarapang ipatupad ang kanilang bawat hiling.
Tila yata’y napipikon at hindi sila makapagtalaga ng kanilang punong mahistrado
kung susundin ang ating umiiral na Saligang Batas. Kaya pati ang inyong lingkod, hadlang
daw sa kaunlaran ng bayan at pagpapatupad ng mga ipinangako sa kampanya!
Pasadahan po natin ang mga walang katuturang paratang ng ating mga magigiting na
mambabatas. Walo (8) po ang hinain na paratang laban sa akin. Kaagad, makikitang
dalawang uri ang bintang na nilalaman nito: sa isang banda, ‘yung mga reklamong tumutukoy
sa mga personal kong kilos, at sa kabilang banda naman, ang mga reklamo na tumutukoy
sa mga opisyal na pagkilos o hatol ng Korte Suprema.
Mariin kong itinatanggi ang mga bintang na may katiwalian sa mga pansarili kong kilos.
Hindi po totoo ang sinasabing ayaw ko raw ilabas ang aking Statement of Assets, Liabilities and Net Worth. Ito’y isang dokumentong sinusumite ko taun-taon ng walang patid.
Malaking kasinungalingan ang paratang na ito. Ako raw po ay isang midnight appointee.
Dapat raw po, hindi ko tinanggap ang paghirang sa akin. Bakit po ba, para si Ginoong Aquino
ang makapagtalaga ng kaniyang sariling chief justice na hawak niya sa leeg? Mapapa-iling ka
talaga. Ang pagtatalaga sa inyong lingkod ay dumaan sa isang masusing proseso na ayon sa
ating Saligang Batas. Kasama po dito ang proseso ng Judicial and Bar Council na noon ay
pinangungunahan ng dating Punong Mahistrado
Reynato Puno. Matagal na po itong pinagpasyahan ng Korte Suprema. Matagal
nang tapos ito. Kung may reklamo man sila sa hatol ng Korte Suprema, sana ay noon pa,
ipinaglaban na nila. Binubuhay ito para painitin ang damdamin
ng ating mga kababayan at mawalaan tayo ng tiwala sa Korte Suprema at hudikatura. Di po
ba’t may kasabihan na “ang isang kasinungalingan, kapag inulit ng inulit,
pagtagal, ay siyang tinatanggap bilang katotohanan?” Paano po naman naging
kasalanan ang pagtanggap ng isang dakilang karangalan tulad nito? Ito ay isa lamang pong paninira ng aking katapatan sa katungkulan, kasama na po ang puri at dangal ng Kataas taasang Hukuman.
Nguni’t ang kasukdulan ng pambabastos, sa aking pananaw, ay ang pagdawit ng aking maybahay
sa reklamong ito. Baka akala nila na sa ganitong paraan ako po’y madaling susuko.
Mapalad po ako na mayroon akong isang mabait at matatag na kasama sa buhay, na siya ring
pinagkukunan ko ng lakas at inspirasyon. Mahal na mahal kita, Tina.
Walang katotohan ang kanilang mga paratang – puro kasinungalingan. At patutunayan namin na ito ay isang pagblackmail
lamang. Lingid po yata sa kanilang kaalaman na si Ginang Corona ay una pang
naitalaga bago ako naging mahistrado. Bakit, hindi po ba dito sa kasalukuyang
administrasyon, mayroong isang mag-asawa, kasama ang kanilang mga anak, na may
matataas na puwesto?
Ang mga natitirang paratang ay ukol naman sa mga pasiya at iba pang matagal nang
patakaran ng Korte Suprema. Alalahanin po natin na ayon sa ating Saligang Batas, ang Korte
Suprema ay binubuo ng isang punong mahistrado at labing-apat na katulong na
mahistrado. Mayroon po lamang kaming tigiisang boto, at ito po ay pantay-pantay. Ang
aking boto ay kapareho lamang ng boto ng pinakahuling naitalagang mahistrado. Ang
pwersa at bisa ng aking pananaw ay kapantay lamang ng pwersa at bisa ng pananaw ng kahit
sino mang mahistrado. Pantay-pantay po kaming lahat dito.
At sa mga isyu na sinasabi nilang kaugnay sa dating pangulo, wala po kaming kinakatigan
dito sa hukumang ito. Ang aming pasiya ay pasiya ng buong Korte Suprema at resulta ng
mga indibidwal na opinyon. Ang opinyon ng isang mahistrado ay hindi desisyon ng Korte
Suprema. Kahit sinumang abogado ay magsasabi sa inyo na hindi po pwedeng yapakyapakan
ang karapatan ng sinuman sa ilalim ng Saligang Batas, habang hindi mo pa
napapatunayan na siya ay nagkasala. May mandato ang korte na ipagtanggol higit sa lahat
ang karapatang pang-tao ng indibidwal kontra sa labis-labis na kapangyarihan ng pamahalaan,
lalong-lalo pa kung wala pang naisasampang kaso. Matagal na itong prinsipio at hindi na
kailangang idebate.
Ito ang tinatawag na PRESUMPTION OF INNOCENCE and RESPECT FOR HUMAN RIGHTS.
Isampa ang tamang kaso sa loob ng wastong oras, na may tamang ebidensya, para walang
magawa ang korte kung di hatulan at ipakulong ang nagkasala sa lipunan. Panagutin natin ang
dapat managot, pero idaan natin sa wasto at tamang proseso sa ilalim ng Saligang Batas. Ano
po ba ang napakahirap intindihin sa bagay na ito?
Ibang-iba po ang palakad sa gabinete, sapagkat doon, lahat ng miyembro ay mga
alalay, alagad at utusan ng pangulo. Sa loob ng gabinete, ang utos ng hari, hindi nababali. Dito
po sa Korte Suprema, ang pananaw ng punong mahistrado ay isa lamang. Gaya nga ng sinabi ko, kami ay patas at pare-pareho lamang na nagbibigay halaga at respeto sa opinyon ng bawat isa. Wala po kaming tungkulin at balak
na maging sunod-sunuran sa isa’t-isa. Ngayon, ipagpalagay na natin na malimit kasama ko ang mayorya sa botohan, maari ba namang magmistulang pagkampi ito, samantalang nakararami kaming sumasangayon
sa isang pananaw? Kasalanan po ba na ako’y kasapi ng mayorya ng Korte sa iilang mga kaso? Marami din naman pong kaso na nasa menorya ako sapagka’t natalo sa botohan ang aming pananaw. Ito ang magpapatunay na
walang nagdidikta ng boto dito sa Korte Suprema.
Kaya nga po dito natin makikita ang likas na talino at sadyang makatarungan na sistema ng hustisya sa ating saligang batas: labing-lima po kami sa Korte Suprema, upang masiguro na mangibabaw ang pananaw ng mas nakakarami. Hindi maaring magtagumpay ang pananaw ng nag-iisang mahistrado.
Samakatuwid, itong mga paratang ng pagkiling laban sa akin ay bunga lamang ng malisya at kathang-isip. Malamang, umaasa ang mga kalaban ng Korte, na ako at ang ibang miyembro na di nila kayang diktahan, ay magbibitiw
sa tungkulin. At kung sakaling magtagumpay ang impeachment na ito laban sa akin, ano sa palagay ninyo ang mangyayari? Simple lang po mga mahal kong mga kababayan — kay Ginoong Aquino na ang gabinete, kontrolado na
niya ang kongreso, at hawak na niya ang Korte Suprema. Paulit-ulit nalang nilang isinisigaw
ang checks and balances ng three co-equal branches of government, ngunit ang kanilang
mga pagkilos ay patungo sa pagsakop sa buong sistema at kapangyarihan ng pamahalaan. Itong
mga itinatanim niyang gawain ay siguradong mamumunga lamang ng isang diktadura; isang
diktadura na nagmula sa paglilinlang at paglalason sa pag-iisip ng ating mga kababayan.
At ngayon, sasabihin ko po sa kanilang lahat: ako’y tumututol sa walang-tigil na pangaalipusta,
pangduduro at pananakot.
Ako’y tumututol sa dahan-dahang binubuong
diktadura ni Pangulong Benigno Simeon Aquino
Kahapon lamang, iginigiit ng palasyo na hindi raw ang Korte Suprema o hudikatura, at
ako lang daw, ang tinitira dito sa impeachment.
Ito po’y malaking kasinungalingan, dahil hindi ako naniniwala na si Renato Corona lang ang
tumututol sa diktadura. Walang katotohanan na si Renato Corona lamang ang gusto nilang
tanggalin sa Korte Suprema. Naniniwala po ako na tayong lahat ang kinakalaban, pati na ang
mga walang-malay nilang tagahanga.
Sapagkat ang tunay na layunin ay wasakin ang
hudikatura, wasakin ang ating demokrasya, at pairalin ang utos ng mahal na hari.
Ito ang patutunguhan ng baluktot na “Daang Matuwid.”
Matagal na po akong nagtitimpi. Hindi ko po maintindihan kung bakit nanggigigil ng husto
sa akin ang mahal nating pangulo, magmula pa po sa kanyang pagkaluklok sa pwesto.
Tuwing kami’y nagkikita, lubos kong pinararamdam na kami’y dapat mag-ugnayan,
magsama at magtulungan para sa bayan. Marami po tayong problema. Nandiyan po ang
mabagal na takbo ng ekonomiya, kawalan ng trabaho, kahirapan at kagutuman. Mukhang
hindi po niya naintindihan. Kamakailan lamang, tinuya na naman po
tayo ng harap-harapan. Tulad ng tunay na Kristianong Batangueño, tayo po ay nagpigil, at
ito po ay ating pinalampas.
WALA PO AKONG KASALANAN SA INYO,
GINOONG PANGULO. WALA PO AKONG
KASALANAN SA TAONG-BAYAN.
Sabi nila, sarili ko lang daw po ang
nakataya dito. Ang pinaglalaban po natin dito
ay ang kalayaan ng Korte Suprema, kalayaan ng
hudikatura, at ang pagtanggol ng demokrasya
sa ilalim ng Saligang Batas.
Hindi po ako papayag na sumuko sa matinding pagtatangka
na mapasailalim ng ibang sangay ng pamahalaan ang Korte Suprema. Una akong
tututol.
Una akong lalaban. Ginoong Pangulo, ako po ang
primus inter
pares
dito sa Korte Suprema. Ang ibig sabihin
po nito, kung kailangan ipaglaban ang Korte
Suprema, ako ang uuna. Huwag na po nating isubo ang Korte
Suprema sa ano pang pagsubok o batikos ng mga mapagsamantala. Yaman din lang na ang ipinaglalaban dito ay ang Korte Suprema at ang demokrasya, karangalan at katungkulan ko po na labanan itong impeachment para sa ating
lahat. Haharapin ko nang buong tapang at talino ang mga walang basehang paratang na ito, punto por punto, sa Senado. Handanghanda akong humarap sa paglilitis. Mga kasama, matapat kong sinasabi sa
inyo, mahimbing ang tulog ko at tahimik ang aking konsyensya dahil sa pagpapatupad ng
lahat ng aking mga tungkulin. Ako’y nanatiling matapat sa Panginoon, sa aking sarili, sa batas,
at sa sinumang tao. Para sa mga ngayon pa lang nakakarinig ng
aking panawagan, inaanyayahan ko kayong makiisa sa amin. Ngayon pa lamang ay taospuso
na ang aking pasasalamat sa inyo sa inyong pagtaguyod, pakikiisa at pagpapalakas
ng aming loob.
Mga minamahal kong kababayan, sa aking pagharap sa isang mapanganib na katunggali,
ang aking tanging sandigan ay ang inyong pakiki-akibat, at ang paninindigan para sa
Lumikha at sa ating bayan. Buong pagkukumbaba kong hinihiling ang inyong
pang-unawa, subalit higit sa lahat, hinihiling kong samahan ninyo ako sa aking laban at
mission. Muli, isang maganda at maalab na hapon po
sa inyong lahat. Sana’y pagpalain po tayong
lahat ng Maykapal.